-- Advertisements --

Bumisita si Speaker Martin Romualdez sa burol ng pinaslang na opisyal ng Kamara na si Director Mauricio Pulhin.

Personal na nagpaabot ng pakikiramay si Romualdez sa pamilya ni Pulhin na nagsilbing Technical Staff Chief ng House Committee on Ways and Means.

Ayon kay Speaker kaisa ang buong institusyon sa paghahanap ng hustisya sa pagkamatay ng opisyal.

Ibinahagi rin ni Romualdez na si Pulhin ay isang tahimik ngunit masipag na propesyunal na naglingkod sa Kamara nang may katapatan.

Hindi umano titigil ang Kamara hangga’t hindi natutukoy at napapanagot ang mga nasa likod ng pamamaril kay Pulhin.

Kinumpirma ng mga pulis na bumuo na ng Special Investigation Team na mangunguna sa kaso at nire-review na ang CCTV footage kasabay ng forensic analysis at panayam sa mga testigo.

Nanawagan naman si Speaker sa mga otoridad na magsagawa ng malalimang imbestigasyon.