-- Advertisements --

Nagpatupad na ng deployment ban ang Department of Migrant workers (DMW) sa new hires na Plipino sa Iran at Jordan.

Ito ay sa gitna pa rin ng nagpapatuloy na tensiyon sa Middle East.

Sa isang pulong balitaan, kinumpirma ni Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac ang pagbabawal sa bagong hire na mga Pilipino na magtungo sa nasabing mga bansa habang ang returning overseas Filipino workers ay pinapayagan subalit hindi pa sila maaaring bumiyahe sa ngayon dahil sarado ang airspace doon.

Nag-isyu din ang DMW ng Advisory No. 19 series of 2025 para sa restriksiyon sa deployment ng OFWs sa Israel, Iran, Jordan at Lebanon.

Inabisuhan naman ng kalihim ang mga OFW na patungong Jordan na ipagpaliban muna ang kanilang biyahe patungo sa bansa dahil mayroon itong common border sa Israel. Gayundin ang mga recruitment agencies ay inabisuhan na huwag muna magpadala ng new hires sa Jordan.

Sa Israel naman, kasalukuyang may umiiral na deployment ban mula ng sumiklab ang October 7 attack ng Hamas sa Israel noong 2023.

Samantala, nagbabala naman ang kalihim na papanagutin ang mga recruitment agencies na hindi susunod sa deployment ban.