-- Advertisements --
Bacolod mass wedding with face mask

Hinihikayat ng Malacañang ang mga may schedule ng pagpapabinyag o pagpapakasal na pasok sa community quarantine period na ipagpaliban na lamang muna ito.

Sinabi ni Cabinet Sec. Karlo Nograles, mahigpit ang ipatutupad na mga hakbang ng gobyerno para maiwasang kumalat ang COVID-19 lalo na ang tinatawag na social distancing measure.

Ayon kay Sec. Nograles, hindi na papayagan ang tinatawag na mass gathering o maramihang pagtitipon na karaniwang nangyayari pag may kasalan o binyagan dahil maraming bisita.

Inihayag ni Sec. Nograles na bagama’t nauunawaan nila ang concern ng mga magkasintahan at walang makahahadlang sa usapin ng pagmamahal, wala naman umanong masama kung ipagpapaliban lamang ng isang buwan.

Kaya panawagan ni Sec. Nograles sa mga mag-partner na nakatakda ang pagpapakasal o ang magpapabinyag sa loob ng Marso 15 hanggang Abril 14 na ilipat na lamang muna ang petsa ng okasyon.

Kung hindi naman umano magpapapigil ang mga ikakasal o magpapabinyag, pwede naman itong ituloy nang hindi na kailangan pang mag-imbita ng maraming bisita dahil ang mahalaga ay ang ikakasal at ang sanggol na babasbasan ng pari, mga magulang at ilang mga mahal sa buhay, gayundin mga ninong at ninang.