Kinumpirma ni PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde na sinibak na sa puwesto si Eastern Police District (EPD) Director, P/Col. Bernabe Balba at Pasay Chief of Police, Col. Noel Flores.

Ito’y matapos unang tanggalin ni NCRPO Chief, P/Maj. Gen. Guillermo Eleazar ang buong puwersa ng Pasay Station 1 Drug enforcement unit.

Kaugnay ito ng pagkakasangkot umano ng mismong hepe ng Pasay City Police Station 1-Drug Enforcement Unit at tatlo pang pulis sa kidnapping.

Hiningan umano ng mga pulis ng P100,000 ang isang complainant kapalit ng kalayaan ng kanyang live-in partner na una nilang ilegal na inaresto dahil umano sa droga.

Nitong Miyerkules ng umaga ay nahuli ng PNP-Counter-Intelligence Task Force (CITF) sa entrapment operation ang isa sa mga pulis Pasay na kinilalang si P/Cpl. Anwar Encarnacion Nasser.

Ang tatlo pang kasabwat kabilang ang hepe ng DEU ay nakatakas at kasalukuyang pinaghahanap ng mga otoridad.