Nilinaw ngayon ng pamunuan ng Western Mindanao Command (WesMinCom) na hindi aabot sa 100 ang presensiya ng mga banyagang terorista na nakapasok sa bansa.

Una rito, lumabas ang ulat na nasa 100 foreign terrorists ang umano’y nasa bansa ngayon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay WesMinCom spokesperson Col. Gerry Besana, kinumpirma nito na nasa 40 foreign terrorists ang nakapasok sa bansa at may hawak na database dito ang militar.

Sa nasabing bilang, kalahati ay matagal nang nananatili sa bansa, habang nasawi naman ang iba sa mga isinagawang operasyon ng militar at PNP.

Aniya, ang nakikitang dahilan ng militar bakit dito sa Pilipinas nagtutungo ang mga banyagang terorista ay dahil sa propaganda video ng ISIS kung saan hinihimok ang kanilang mga miyembro na magtungo sa bansa dahil ito ang “ISIS center” sa Southeast Asia.

Una nang sinabi ni 6th Infantry Division (ID) commander MGen. Cirilito Sobejana, 10 foreign terrorists ang kanilang namonitor sa Central Mindanao na pinamunuan ni Mawiyah na isang Singaporean terrorist at remnants ni Marwan.

Batay din sa mga naging pag-aaral ng militar, nag-level up na rin daw ngayon ang mga banyagang terorista sa pagpasok ng bansa.

Inihayag ni Besana na hindi na ginagamit ngayon ng mga banyang terorista ang southern backdoor bilang entry point ng mga terorista dahil sa pinaigting na seguridad sa triboundary ng Pilipinas, Malaysia at Indonesia.

Aniya, dumadaan na ang mga ito sa mga ligal na paraan, na malaking hamon naman umano sa hanay ng hukbong sandatahan at sa publiko.