-- Advertisements --

Kinalampag ng mga eskperto sa batas ang Senado na ituloy ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ay matapos na isauli ng Senado na tumatayong impeachment court ang complaint sa Kamara de Representantes makaraang mayorya o 18 Senator-judges ang pumabor at tanging lima lamang ang tumutol na i-remand o ibalik ang complaint sa Kamara dahil sa umano’y constitutional infirmities na kailangang matugunan.

Sa isang statement, ipinunto ng Philippine Constitution Association (PhilConsa) na pinamumunuan ng chairman nito na si retired Chief Justice Reynato Puno na nagdudulot ng constitutional concerns sa integridad ng impeachment process ang naging aksiyon ng Senado.

Kabilang na dito ang grave abuse of discretion, kung iligal ba na sinuspendi ng Senado ang hurisdiksiyon nito bilang impeachment court.

Gayundin ang encroachment o panghihimasok sa exclusive power ng Kamara o kung lumalabag ba sa nagiisang prerogatibo ng House sa ilalim ng Article XI, Section 3 ng konstitusyon ang pagmamandato ng Senado sa Kamara na i-certify ang pagtalima sa one-year ban na walang impeachment.

Tinukoy din ng grupo ang circumlocutory delay, kung ang pagpapatupad ng anila’y novel requirements na wala sa konstitusyon o Senate rules ay katumbas ng circumlocutory device na idinisenyo para maantala o tapusin ang trial.

Kabilang pa sa idinulog na constitutional concerns ng grupo ang due process at impartiality, kung ang itinaas na posibleng mga depensa sa ngalan ng respondent ay nagkokompormiso sa pagiging impartial ng Senado bilang impeachment court.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng grupo ang Senado na sa oras na mag-convene ito bilang impeachment court, hindi maaaring masuspendi ang hurisdiksiyon nito sa pamamagitan lamang ng procedural acts.

Inihalimbawa dito ng Philconsa ang 1997 case ng Republic vs Sandiganbayan kung saan idineklara ng Korte Suprema na ang hurisdiksiyon, na legal na nakuha, ay hindi mawawala dahil lamang sa mga sumunod na pangyayari, bagkus ito ay magpapatuloy hanggang ganap na maresolba o madismiss ang kaso.

Ipinunto din ng grupo na ang prinsipyo ng pagpapatuloy ng hurisdiksiyon ay isang established practice, kabilang ang naging impeachment trial kay dating US President Bill Clinton, na modelong ginagamit sa impeachment process sa bansa.

Ipinunto din ni Puno na ang impeachment na isang mekanismo ng taumbayan para ipatupad ang pagpapanagot sa mga public official, ay hindi dapat na mahadlangan ng mga imbentong procedure o partisan maneuver.

Sa huli, umapela ang Philconsa sa Senado na pairalin ang kanilang constitutional duty at ituloy ang impeachment trial salig sa konstitusyon at rule of law.