Ang hindi pakikipag-cooperate ng mag-asawang Discaya ay nag-ugat umano dahil umasa ang kampo nila na ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay papaburan sila sa pagiging state witness dahil na rin sa pagharap nila sa mga pagdinig.
Iginiit ni ICI Spokesperson Brian Keith Hosaka na bagaman kasama sa mandato nila bilang komisyon ang pag-rekomenda ng posibleng state witness, hanggang ngayon ay wala pa sila sa puntong ito dahil patuloy pa rin ang pangangalap nila ng impormasyon at ebidensya.
Hindi magiging kawalan ang mga Discaya sa nagpapatuloy na imbestigasyon, ayon yan sa komisyon. Kaya’t tiniyak nila na tuloy-tuloy pa rin ang pagsisiyasat ng ICI sa isyu ng flood-control projects.
Matatandaang noong unang pagharap ng mga Discaya, ani ng kanilang abogado ay nag-tell all ang mag-asawa sa harapan ng komisyon. Ngunit ngayon ay umatras na ang mag-asawa sa imbestigasyon at no-show na talaga sa mga susunod na pagdinig ng ICI.