Tuluyang sinuspinde ng IATF (Inter Agency Task Force) ang implementasyon ng resolusyon na nagpapahintulot sa mga batang edad limang taong gulang pataas na lumabas.
Ito’y dahil sa banta ng Delta variant ng Coronavirus Disease na unang natukoy sa India.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III na siyang ring IATF chairman, nagkasundo sila na iatras ang resolusyon kaya hindi na muna papayagan ang mga bata sa mga outdoor areas.
Halimbawa rito ang al fresco o ‘yaong open air na dining establishments.
Sa gitna na rin ito ng pag-usbong ng local cases ng Delta variant sa bansa na itinuturing na mas nakakahawang uri ng COVID.
Una nang pinayagang lumabas sa ilalim ng IATF Resolution No. 125, ang mga bata sa nabanggit na edad at mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) at gcq.
Gayunman, muling magsasagawa ng assessment ang IATF isa o dalawang linggo mula ngayon para matukoy kung maaaring irekonsidera ang muling pag-implementa sa naturang resolusyon.
“Kung makita naman na hindi hindi naman patuloy na tumataas, lalo na dun sa NCR (National Capital Region), baka puwedeng ibalik natin ‘yung Resolution 125 kung saan pinahihintulutan na puwedeng lumabas ang mga bata,” ani Duque sa dzmm.
“Although siyempre, dapat diyan ay may kasama ‘yang mga ‘yan 5 year old and above at tumatalima pa rin sa minimum public health standards.”