Nagsagawa ng assessment ang National Irrigation Administration sa mga irrigation project sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Ito ay sa gitna ng matinding pag-ulan at malawakang pagbaha mula noong manalasa ang bagyong Crising nitong nakalipas na linggo hanggang sa kasalukuyang epekto ng hanging habagat.
Pinangunahan ni NIA Administrator Engr. Eddie G. Guillen ang naturang assessment at tinukoy ang kasalukuyang status ng mga major dam na nasa ilalim ng pangangasiwa ng NIA.
Tinukoy din ang estado ng mga irrigation projects, canals, at iba pang istracturang ginagamit sa irrigation system ng bansa.
Kasabay nito ay inatasan na ni Admin. Guillen ang bawat NIA Regional Manager sa buong bansa na magsumite ng kani-kanilang Typhoon Damages Report na natukoy mula sa kani-kanilag area of responsibility.
Kasama rin sa ipinapasumite ang mga validation certificate mula sa Office of the Civil Defense (OCD).
Ayon kay Guillen, ang mga damage report ang gagamitin sa pagtukoy sa magiging tugon sa mga irrigation facilities na naapektuhan sa mga kalamidad.