VIGAN CITY – Tiniyak ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar na nakahanda ang mga ayudang ibibigay sa mga magsasakang maapektuhan ng habagat, bagyo o iba pang kalamidad na maaaring manalanta sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Dar na kung ano ang mga ayudang nakahandang ibigay ng ahensya para sa mga magsasaka ay madadagdagan pa ang mga ito sa ilalim ng kaniyang pamamahala.
Maliban aniya sa financial assistance sa pamamagitan ng Philippine Crop Insurance Corporation, plano umano nito na magbigay din ng binhi o iba pang farm inputs para sa mga ito na maaaring makatulong sa kanilang pagbangon.
Samantala, siniguro ng kalihim na hindi lamang mga magsasaka ang tutulungan ng ahensya sa tuwing mayroong kalamidad na darating sa bansa kundi pati na mga nasa fishery, poultry o livestock industry na nasa ilalim ng agriculture department.
Hinimok nito ang lahat na makipagtulungan sa DA upang makamit ang layunin nitong maging food secured ang bansa kasabay ng pag-unlad ng sektor ng agrikultura.