Magiging abala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. simula sa susunod na linggo para sa kaniyang mga biyahe sa ibang bansa.
Sa ginanap na pre-departure briefing, sinabing maraming dadaluhang pulong si Pangulong Marcos sa gaganaping Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit sa Cambodia.
Sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Daniel Espiritu na maraming world leaders ang pupunta sa ASEAN meetings.
Inaasahan aniya ang higit sa dalawang bilateral meetings na dadaluhan dito ng pangulo.
Kabilang na rito ang kaniyang bilateral meeting sa host government o kay Cambodian Prime Minister Samdech Hun Sen.
Ito ang kauna unahang meeting ni Pangulong Marcos bilang presidente ng bansa sa lider ng Cambodia
Makikipag pulong din ang presidente kay South Korean President Yoon Suk Yeol.
Ayon kay Espiritu, key partner ng Pilipinas ang Korea sa usapin ng defense and security, tourism at iba pang relasyon at oportunidad sa pagitan ng dalawang bansa.
Kasama sa inaasahang mapapag-usapan dito ay ang free trade agreements sa pagitan ng dalawang bansa.
Pagkatapos ng biyahe sa Cambodia ay kasunod naman nito ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit sa Bangkok, Thailand.
Ayon kay Ambassador Teresita Daza, kasama ang Pilipinas sa 21 member countries ng APEC, kaya mahalaga ang partisipasyon dito ni Pangulong Marcos.
Kabilang aniya sa inaasahang tatalakayin sa APEC meeting ay trade and investments, human resources, energy at iba pang usapin.
Ayon kay Daza, mahalaga ang pagpupulong na ito dahil 85% ng kabuuang kalakalan ng Pilipinas ay sa APEC member countries.
Higit aniya sa 70% ng mga Pilipino sa ibang bansa o 7.5 milyon ay tinatawag nang tahanan ang APEC.
Maliban dito, sinabi ni Daza na nasa 56% ng mga dayuhang bisita ng Pilipinas ay mula sa APEC member countries.