Hinamon ng mga abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang hurisdiksyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na iniuugnay sa madugong kampanya kontra droga ng kanyang administrasyon.
Sa kanilang pagsusumite sa ICC noong Mayo 1, 2025, iginiit nina Atty. Nicholas Kaufman at Dr. Dov Jacobs na hindi na maaaring gamitin ng korte ang hurisdiksyon nito sa Pilipinas matapos ang pagkalas ng bansa sa Rome Statute noong Marso 17, 2019.
Ayon sa kanila, malinaw sa batas ng ICC na dapat ay miyembro pa ang isang bansa sa oras ng pagsasakdal. Anila, nang magsimula ang imbestigasyon at maglabas ng desisyon ang Pre-Trial Chamber, lumampas na sa petsa ng withdrawal ng Pilipinas, kaya’t wala na itong legal na basehan.
Tinuligsa rin nila ang Prosecution sa umano’y kalituhan nito sa pagitan ng hurisdiksyon at mga kundisyon ng paggamit nito.
Pinuna rin nila ang pagbanggit sa Article 127 (2) ng Rome Statute, na anila’y hindi dapat ipatupad sa kaso ni Duterte.
Ngunit ayon sa ICC, nananatili ang hurisdiksyon nito sa mga krimeng naganap habang miyembro pa ang Pilipinas. Sa ulat nito noong Marso 12, sinabi ng korte na may reasonable grounds para paniwalaang si Duterte ay may pananagutan bilang indirect co-perpetrator sa libo-libong kaso ng pagpatay sa pagitan ng Nobyembre 1, 2011 at Marso 16, 2019.
Dagdag pa ng ICC, may matibay na ebidensiya na ang mga pag-atake laban sa sibilyan ay isinagawa bilang bahagi ng polisiya ng estado at ng Davao Death Squad na umano’y pinamunuan ni Duterte noon.
Naaresto si Duterte noong Marso 11, 2025 pagdating mula Hong Kong. Ayon sa warrant of arrest, siya umano ang nagtatag, nagpondo, at nag-armas sa mga grupong sangkot sa mga pamamaslang. Siya ay dinala sa The Hague, Netherlands para harapin ang mga paratang.