Magdedeploy ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng 27,500 bumbero para sa paggunita ng Undas ngayong taon.
Magtatalaga rin ang bureau ng first aid service team stations at motorist assistance desks para sa inaasahang buhos ng mga babiyahe sa darating na weekend.
Simula rin ngayong Martes, Oktubre 28, naka-heightened alert (Code Blue) na ang BFP hanggang bukas, Oktubre 29.
Ilalagay naman sa Full Alert status o Code Red ang BFP simula sa araw ng Huwebes, Oktubre 30 hanggang sa Lunes, Nobiyembre 3, 2025.
Ayon sa BFP, layunin ng deployment na makapagbigay ng agarang emergency response at palakasin pa ang mga pagsisikap para maiwasan ang insidente ng sunog sa mga sementeryo, mga terminal at iba pang lugar.
Kaugnay nito, nagpaalala ang BFP sa publiko para maiwasan ang sunog kabilang na ang paglalagay sa mga kandila sa stable, non-flammable holders at itirik ito malayo mula sa mga maaaring masunog na materyales gaya ng tuyong dahon, bulaklak at basura.
Iwasan din ang electrical overloading lalo na kapag gumagamit ng extension cords para sa iba’t ibang device, itapon nang maayos ang mga kalat at iwasang magsunog ng tuyong mga dahon o basura at patayin ang main electrical circuit breaker, kapag walang maiiwan sa bahay.
















