CEBU CITY – Nasa heightened alert status ang Coast Guard District Central Visayas (CGDCV) bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Verbena sa rehiyon.
Sa ilalim ng alerto, inatasan ang lahat ng Coast Guard stations, sub-stations, at units sa buong Central Visayas na paigtingin ang monitoring, magsagawa ng readiness checks, at tiyaking naka-standby ang lahat ng rescue assets at response teams para sa agarang pag-deploy.
Naglabas na rin ng travel advisory ang anim na Coast Guard stations sa rehiyon na nagsuspinde ng biyahe para sa lahat ng maliliit na sasakyang-pandagat dahil sa masamang panahon.
Iniulat ng ahensya na, as of 12:00 n.n. ngayong araw, umabot na sa 482 pasahero ang stranded sa iba’t ibang pantalan sa rehiyon, kabilang ang 48 barko, 30 motorbanca, at 105 rolling cargoes.
Samantala, sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Joseph Merlas, weather specialist ng PAGASA Visayas, sinabi nitong habang tinatawid ng bagyo ang Visayas ay mananatili ang Signal No. 1.
Ayon kay Merlas, aabot sa 100–200 mm ng ulan ang inaasahang ibubuhos sa loob ng 24 oras, na maaaring magdulot ng pagbaha at landslide, lalo na sa mga lugar na hindi karaniwang binabaha.
Idinagdag pa niya na dahil sa naunang epekto ng bagyong Tino, mas mababaw na ang mga sapa at daluyan ng tubig, kaya’t mas mataas ang panganib ng pagbaha.
















