-- Advertisements --

Kinuwestyon ngayon sa Court of Appeals (CA) ang memorandum ng Office of the Ombudsman kaugnay sa isyu ng pagsasapubliko ng Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) ng mga nagtatrabaho sa gobyerno.

Sa inihaing Petition for Certiorari sa CA ng Katipunan Pamilya Pilipino (KPP) na pinangungunahan ng secretary general nito na si Ricardo Fulgencio IV at dating Senatorial candidate Larry Gadon, ay kinuwestyon ng mga ito ang inilabas na Memorandum Circular No. 1 Series of 2020 ni Martires.

Taliwas daw kasi ang naturang memorandum sa probisyon ng 1987 Constitution at mga batas na naaayon dito.

Iginiit ng mga petitioners na ayon sa ilalim ng Article XI ng Saligang Batas, kailangan maghain ng SALN ang mga empleyado ng pamahalaan.

Sa Section 17 naman anila dapat isapubliko ang deklarasyon o dokumento na ito.

Maituturing umano na unconstitutional ang nasabing memorandum at nilalabag din daw nito ang Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Hinihiling ng mga ito na pagbigyan ng CA ang kanilang petisyon alinsunod sa nauna nang concurrent jurisdiction gaya sa Korte Suprema at ang kanilang kinokontra ay hindi isang batas kundi administrative issuance lang.