Natanggap na ng Philippine National Police (PNP) ang nasa 666 doses na Pfizer vaccine mula sa Department of Health (DOH) na gagamiting booster shot sa mga Crame based medical frontliners.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support for Coronavirus Disease-2019 (COVID-19) Task Force Commander Lt. Gen. Joselito Vera Cruz sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo, sinabi nito na dumating kahapon November 18, ang kanilang vaccine allocation para sa booster shot na ituturok sa mga Health Service personnel na nasa A1 category.
Sinabi ni Vera Cruz, sa Lunes, November 22 sisimulan ng Health Service ang pagbibigay ng booster shot sa kanilang mga medical frontliner.
Paghahanda rin ito sa posibleng deployment ng kanilang mga medical frontliner sa nakatakdang 3-day National Vaccination Day program ng pamahalaan na target makapagbakuna ng 1.5 million adult Filipinos sa loob ng isang araw.
“Arrival of 111 vials of Pfizer ( 666 doses @ 6 dose per vial), we will vaccinate it on Monday, Nov. 22,2021,” mensahe ni Lt. Gen. Vera Cruz.
Binigyang-diin din ni Lt. Gen. Vera Cruz, prayoridad na mabigyan ng booster shot ang mga medical workers na naka-walong buwan na matapos ang kanilang second dose.
Nakatakda rin mag-request ng dagdag na booster vaccine allocation ang PNP sa DOH para naman sa mga medical frontliner na naka-anim na buwan pataas.
Batay sa datos ng Health Service, nasa 1,300 medical frontliners ang naka-anim na buwan na sa ngayon mula nang mabakunahan.
” Crame based medical frontliners lang muna Anne, prioritizing yung mga naka 8 months na since their 2nd dose. More than 1,300 yung naka 6 months and up na mga A1 category namin kaya we will request for additional booster vaccines to be administered to them,” mensahe ni Lt. Gen. Vera Cruz sa Bombo Radyo.
Samantala, inumpisahan na ng Police Regional Office (PRO)-3 ang pagbibigay ng unang dose ng COVID-19 vaccine sa mga “dependent” ng kanilang mga tauhan.
Isinagawa ang pagbabakuna sa PRO-3 Grandstand, Camp Olivas, San Fernando, Pampanga.
Tinatayang 250 kabataan na ang naturukan ng bakuna ng Moderna.
Ayon kay PRO-3 regional director Police Brigadier General Matthew Baccay, paraan nila ito upang maipakita sa kanilang mga tauhan na binibigyan ng prayoridad ang kanilang mga mahal sa buhay lalo na ang kanilang mga anak.