Nag-init agad ang bagong saltang si Chris McCullough upang akayin ang San Miguel sa 109-105 paglusot sa NLEX sa PBA Commissioner’s Cup sa Mall of Asia Arena.

Nagpasabog ng nakabibilib ng 47 points at 10 rebounds ang NBA first-round draftee upang ibalik ang Beermen sa kanilang winning form.

Makaraang magbuhos ng 22 points sa first half, nagmula rin kay McCullough – na dating player ng Brooklyn Nets at Washington Wizards – ang kalahati sa 46 markers na itinala ng San Miguel sa third period.

Umalalay din para sa Beermen sina Christian Standhardinger na tumabo ng 12 points at Marcio Lassiter na may 11 points, tampok ang tatlong sunod na three-pointers sa kanilang third-quarter run upang makontrol ng San Miguel ang laro, 67-57.

Bunsod nito, pinutol na ng Beermen ang kanilang two-game losing streak upang itala ang 3-5 kartada.

Hindi naman nagbunga ang 31 points at 15 boards ni Olu Ashaolu para sa Road Warriors, na lumagapak sa 2-8.

Narito ang mga iskor:

San Miguel 109 – McCollough 47, Standhardinger 12, Cabagnot 11, Lassiter 11, Pessumal 8, Fajardo 8, Romeo 6, Santos 3, Ganuelas-Rosser 2, Ross 1.

NLEX 105 – Ashaolu 31, Tiongson 14, Cruz 11, Erram 10, Paniamogan 8, Soyud 7, Quinahan 5, Rios 4, Varilla 3, Ighalo 3, Lao 2, Taulava 0.

Quarters: 24-25; 51-52; 97-69; 109-105.