-- Advertisements --

Inihayag ni dating Independent Commission for Infrastructure Special Investigator at Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang kaniyang pagkadismaya sa tagal ng pag-usad ng imbestigasyon sa maanomaliyang flood control projects.

Maaalalang nagdesisyon na mag-resign ang alkalde sa kaniyang posisyon kasunod ng mga pahayag ng Malakaniyang na mistula umanong kumukuwestyon sa kaniyang kredibilidad at papel bilang alkalde at investigator ng komisyon.

Sa isang pahayag, sinabi ng alkalde na nakakadismaya ang bagal ng usad ng pagsisiyasat, dahil na rin sa aniya’y kakulangan ng kapangyarihan ng naturang komisyon upang mapanagot sana ang mga nasa likod ng malawakang korapsyon.

Inihalimbawa ng alkalde ang isang hindi na pinangalanang personalidad na dating inimbitahan ng komisyon para sana magpaliwanag ukol sa nabunyag na flood control scandal.

Pero sa kabila ng kaniyang mataas na katungkulan aniya, wala umano silang nakuhang impormasyon mula sa kaniya.

Giit ng alkalde, kung hindi mapilit na magsalita o magdala ng mga dokumento ang mga indibidwal na isinasangkot sa iskandalo, tiyak na mahihirapan ang mga ito sa isinasagawang imbestigasyon.

Kailangan aniya ng karagdagang kapangyarihan para sa naturang komisyon upang mas epektibo nitong magampanan ang tungkulin.