-- Advertisements --

Hindi ikinaila ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na may nasagasaan sa mga serye ng imbestigasyong ginawa noong bahagi pa siya ng Independent Commission on Infrastructure (ICI).

Maaalalang umalis ang alkalde mula sa naturang komisyon, ilang araw mula nang italaga siya bilang Special Investigator and Adviser.

Ayon sa alkalde, maaaring mayroong nasaktan sa ginawang pagsisiyasat, kasunod na rin ng pagsusuri sa ilang mga flood control project.

Bumuwelta rin ang alkalde sa Palasyo Malacañang matapos umano siyang pasaringan na siya ay korap, kasunod ng pagkakadamay sa isang kilalang tennis court sa Baguio City na kaniyang pinamumunuan.

Ayon sa alkalde, natanggap niyang siya ay tinanggalan ng ilang karapatan, lalo na bilang imbestigador ng ICI ngunit hindi umano niya masikmurang kakabitan siya ng bahid ng korapsyon.

Tinanong din ng Bombo Radyo ang alkalde ukol sa kung sino ang mga nababanggit nitong pangalan, ngunit tumanggi ang opisyal na tukuyin ang mga ito.