Ibinunyag ni dating Independent Commission for Infrastructure (ICI) Special Investigator at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na walang sapat na pondo ang naturang komisyon.
Maraming pagkakataon aniya na nahihirapan ang komisyon dahil sa kakulangan ng financial support kung saan mismong ang mga opisyal ng komisyon pa ang napipilitang maglabas ng pera.
Binalikan ng alkalde ang pagpapalabas niya ng sariling pera noong nagsisilbi pa siyang Special Adviser sa ICI.
Sa maikling panahon aniya, nakapag-abono pa siya ng hanggang P30,000.
Batid din umano niya ang pagpapalabas ng iba pang opisyal ng ICI ng kanilang sariling pera para tustusan ang ilang pangangailangan ng komisyon, kasabay ng mga serye ng imbestigasyon nito.
Unang naghain ng resignation si Magalong noong huling bahagi ng Setyembre, ilang lingo lamang matapos siyang italagang special adviser at investigator ng ICI.
Susundan ito ni dating Department of Public Works and Highways Secretary at ICI Commissioner Rogelio Singson na opisyal na aalis sa independent body pagsapit ng Disyembre-15, ngunit maaari pang ma-extend hanggang Disyembre-31.
















