-- Advertisements --

Mananatili pa rin ang ipinatutupad na rotational service interruption schedules ng Maynilad dahil hindi pa rin bumabalik sa normal na output ang produksyon ng tubig sa La Mesa Treatment Plant.

Tiniyak din nito na ang mga lugar na matinding apektado ng kawalan ng suplay ng tubig ay mabibigyan ng mobile water tanker delivery services sa tulong na rin ng lokal na pamahalaan at Bureau of Fire Protection (BFP).

Sa ipinalabas nitong abiso, humingi rin ng paumanhin ang Maynilad sa kanilang mga customers na hanggang ngayon ay apektado pa rin ng nagpapatuloy na rotational service interruption.

Ayon sa concessionaire, noong Biyernes nang mapatatag ang water production sa treatment plant sa 2,000 million liters per day dahil ang sukat ng linaw ng tubig o turbidity level ng raw water mula sa Ipo dam ay nananatiling steady o mababa sa 300 NTU (Nephlometric Turbidity Units).

Subalit mababa pa rin daw ito sa normal output na 2,300 MLD dahil patuloy pa rin ang clearing ng sludge sa basins ng kanilang pasilidad.