Mariing binatikos ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV ang ginagawang kilos at pananalita ni Vice President Sara Duterte sa gitna ng paghahain nito ng piyansa sa Quezon City Regional Trial Court.
Sa isang pampublikong pahayag, kwinestyon ni Trillanes ang kakayahan at kwalipikasyon ng Bise Presidente na mamuno sa bansa bilang ikalawa o maging pinakamataas na pinuno ng Republika.
Inihayag ng dating mambabatas na hindi umano angkop ang ipinapakitang asal ng Bise Presidente sa harap ng korte habang dumadaan sa pormal na legal na proseso para sa kaniyang kinakaharap na kasong kriminal.
Dahil dito, pormal na nanawagan si Trillanes sa mamamayang Pilipino na maging mas maingat at suriing mabuti ang mga napipiling pinuno ng bansa.
“Pumili naman tayo ng maayos,” ang paalala ng dating senador ukol sa pamumuno sa pamahalaan.
Ang naturang pahayag ay kasunod ng pormal na paghahain ng piyansa ni Duterte para sa tatlong bilang ng kasong grave threats matapos maglabas ng arrest warrant ang hukuman laban sa kaniya.
Depensa naman ni Atty. Manuelito Luna na malapit kay VP Duterte, si Trillanes umano ang may deprensya at hindi nalalaman ang Konstitusyon.
“Ikaw ang krung2 at walang alam sa Konstitusyon,” wika ni Luna.
















