-- Advertisements --

Nananatili pa rin ang posibilidad ng pagbibitiw ng ilang prosecutor sa House Prosecution panel upang manatili bilang spokespersons sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ito ay kasunod ng mas paghihigpit ng Senate Impeachment Court sa mga counsel ng Defense at ng House panel, ayon kay Lanao Del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong. Ang bagong panuntunan ay bahagi ng paghihigpit ng korte sa rule 18 o sub judice rule, na naglilimita sa mga pampublikong pahayag tungkol sa merito ng nakabinbing impeachment case.

Ayon kay Rep. Adiong, pinag-uusapan pa ng prosecution panel kung paano ia-adjust ang kanilang communications team dahil maaaring malimitahan ang mga prosecutor na regular na nagbibigay ng media interviews.

Gayunman, sinabi niyang hindi naman tuluyang mababawasan ang mga spokesperson ng prosecution. Sa halip, posible pang magdagdag ng mga taong hindi kabilang sa panel upang tumulong sa pagpapaliwanag ng mga nangyayari sa impeachment trial.

Sa kasalukuyan, inaaral na ng panel ang actual na implikasyon ng sub judice rule at ang saklaw nito sa kalayaan ng mga tagapagsalita na magsalita ukol sa umuusad na kaso.

Ayon kay Adiong, nais ng panel na masunod ang lahat ng panuntunan ng Senate Impeacment Court nang hindi naisasakripisyo ang karapatan ng publiko na mas maintindihan ang umuusad na kaso.

Bagaman mahigpit din ang korte sa mga abogadong magsasalita ukol sa impeachment trial, nais aniya ng House panel na maipaliwanag din ng mga abogado ang ilang mga technical terms sa kaso.

Ayon pa sa mambabatas, dapat ay pantay ang pagpapatupad ng restrictions sa dalawang panig – hindi lamang dapat prosecution ang higpitan sa pagtalakay sa kaso kundi maging ang defense.