-- Advertisements --

Kinuwestiyon ng ilang mambabatas ang naging proseso ng pagbayad ng piyansa ni Vice President Sara Duterte sa Quezon City Regional Trial Court, na tumagal ng ilang oras.

Sa kabila ng proseso, paulit-ulit namang iginiit ni Duterte na wala siyang tiwala sa gobyerno, kapulisan, at maging sa korte.

Isa sa mga nagpahayag ng pagtutol ay si Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon, na kumuwestiyon sa umano’y hindi pagsasagawa ng mugshot kay Duterte bilang bahagi ng booking process.

“Kapag ordinaryong akusado ang sumasailalim sa booking process, may mugshot. Pero kapag Pangalawang Pangulo ang akusado, biglang walang mugshot.” saad ni Ridon

Sa halip na kunan ng mugshot, nagsumite nalamang ng kanyang larawan ang bise presidente.

Dagdag pa niya, dapat ipaliwanag ng mga kinauukulan kung may malinaw na legal na batayan para sa naturang exemption.

Binigyang-diin ni Ridon na kailangang maging pareho ang pagpapatupad ng proseso anuman ang katayuan ng isang akusado.

“Hindi ganyan ang itsura ng pantay na pagpapatupad ng batas. Pareho dapat ang proseso para sa lahat—ordinaryong mamamayan man o Pangalawang Pangulo. dagdag pa ni Ridon.

Samantala, tahasan ding tinuligsa ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña ang mga sinambit ni Duterte na hindi siya nakakaramdam ng seguridad habang nagtungo sa Quezon City Regional Trial Court para sa kanyang piyansa.

Sa isang pahayag, sinabi ni Cendaña: “Yung pamilya mo sanay na mang-EJK ng mahihirap at gamitin ang batas para i-harass ang mga kritiko nyo. Pero pag idinadaan sa due process ang pagpapanagot sa inyo, you ‘don’t feel safe?’ Such an entitled brat!”

Ang mga pahayag ng dalawang mambabatas ay kasunod ng pagdalo ni Duterte sa korte para sa proseso ng kanyang piyansa at ng kanyang mga naging pahayag hinggil sa kawalan umano niya ng tiwala sa mga institusyon ng gobyerno.