Inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na mayroong matataas umanong mga opisyal ng pamahalaan ang tinitingnan dawit sa flood control projects anomaly.
Ayon kay Ombudsman Remulla, kasali maging ang ilang matataas na opisyal ng gobyerno sa mga kasong inihahanda ng Office of the Ombudsman dahil sa pagiging sangkot ng mga ito.
Mayroon aniyang mga impormasyon nakakakalap sa kasalukuyan partikular sa abutan o bank to bank transfer ng mga pera.
Kung kaya’t hiling na makatuwang o makahingi rin ng tulong mula sa AMLC o ang Anti-Money Laundering Council patungkol sa bank records ng mga ito.
“This will involve higher officials ah maa-assure ko sa inyo noh, this will involve higher officials. Kasi nga marami na, marami na tayong nakuhang mga data. May mga data na pumapasok unti-unti na talagang magpapakita na nagkabatuhan ng pera from one account to the another. Marami dun ano pa hindi pa cash, bank to bank pa,” ani Ombudsman Jesus Remulla.
Kasunod ang naturang pahayag nang pormal na ipasa o i-refer ng Department of Justice ang ilang mga kaso laban sa mga tiwaling opisyal at sangkot na mga indibidwal.
Kung saan isinumite ng kagawaran ang rekomendasyon sa pagsasampa ng mga kasong graft, perjury, malversation, at falsification of public documents kontra sa ilang opisyal at kontratista sa distrito ng Bulacan.