LAOAG CITY – Ipinaliwanag ni Dr. Renato Mateo, namumuno sa City Health Office sa lungsod ng Laoag ang dahilan kung bakit pahirapan ang paglalabas ng resulta sa mga swab test ng mga empleyado na nakasalamuha ng ilang COVID-19 positive.

Sinabi ni Mateo na umano’y nagkaroon ng problema sa RT-PCR test machine ng Mariano marcos Memorial Hospital and Medical Center sa Batac City dahilan upang matagal ang paglalabas sa mga test result.

Aniya, nasa 60 mga empleyado ng City Health Office, RHU at Laoag City General Hospital ang dumaan sa swab test kamakailan.

Marami din ang backlogs ngayon dahil sa dami ng mga dumaan sa swab test kung saan nakasalamuha ng mga COVID-19 positive.

Sa ngayon ay hinihintay pa nila ang resulta ng mga swab test pati na rin ang mga empleyado ng Laoag International Airport na mas nauna pang dumaan sa testing.

Kaninang umaga ay dumaan na rin sa swab testing ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod dito sa Laoag City.