Sa pagtatapos ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) asahan daw na posibleng simulan ng gobyerno ang “mass testing” para sa COVID-19.
Ito ang sinabi ni Presidential Adviser for Peace Sec. Carlito Galvez, ang tumatayong Chief Implementer of the National Action Plan (NAP) against COVID-19, nang humarap sa press briefing ng National Task Force nitong gabi sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Ayon kay Galvez, bunsod ito ng pag-apruba ng Research Institute on Tropical Medicine (RITM) sa accreditation ng siyam na ospital para maging pasilidad ng COVID-19 testing.
Target daw ng mass testing ang mga patients under investigation (PUI) at under monitoring (PUM).
“On massive testing for PUIs and PUMs, we are also determined to fast-track the accreditation of substantial laboratories so we can start with the mass testing of the PUIs and PUMs,” ani Galvez.
Ayon sa opisyal, target nilang simulan ang massive COVID-19 testing sa April 14.
“We expect that by April 14, we should be able to start massive testing.”
Hanggang April 12 lang ang implementasyon ng Enhanced Community Quarantine, kung pagbabatayan ang aprubadong resolusyon ng Inter-Agency Task Force.