-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Inirekomenda ng Mines and Geosciences Bureau (MGB)-Bicol sa provincial government ng Masbate na pansamantalang itigil ang operasyon sa minahan sa Aroroy matapos ang magnitude 6.6 na lindol.

Ang naturang minahan ay bahagi ng Masbate Gold Project na nakatutok sa pag-produce at pagbebenta ng mga ginto sa pinag-isang operasyon ng Filminera Resources Corporation (FRC) at Philippine Gold Processing and Refining Corporation (PGPRC).

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay MGB-Bicol regional director Engr. Guillermo Molina Jr., tumulak ngayong araw patungong Masbate ang mga tauhan nila mula sa mainland Bicol para sa pagsusuri.

Partikular dito ang tailings sa minahan o ang mistulang malaking dam na nasa malalim na bahagi at dinadaanan ng mga dumi mula sa minahan.

Kailangan pa rin aniya kasing makatiyak sa integridad ng istruktura kahit pa sinasabing hanggang magnitude 8.6 na lindol ang kakayanin ng disenyo nito.

Una nang nagkaroon ng initial assessment kahapon.

Samantala, kasama rin ng mga geologist ang ilang divers na susuri sa umano’y sea sinkhole sa Barangay Casabangan, Pio V. Corpuz.