-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nakatakdang isagawa ang ”Nationwide Bike for Peace and Justice for the Absalons” sa darating na Sabado, July 17.

Ito’y upang markahan ang ika-40 araw ng pagkamatay ng sikat na atletang si Keith at pinsang si Nolven sa kamay ng mga teroristang New People’s Army (NPA).

Kung maaalala, binaril at pinasabugan ng anti-personnel landmines ang magpinsang Absalon habang nagbibisekleta sa Barangay Anas, Masbate City.

Dadalo sa aktibidad ang ilang pribadong grupo at opisyal ng pamahalaan tulad ni Presidential Communications Operations Office Usec. Joel Sy Egco.

Ayon kay Egco sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, maipapakita rito ang pagkakaisa ng publiko sa pagkondena sa sinapit na karahasan ng magpinsan at maging ng iba pang biktima sa kamay ng NPA.

Isang paraan din aniya ito upang maipagpatuloy ang iniwang legacy nina Keith at Nolven sa pamamagitan ng pagsusulong ng sport para sa mga kabataan.

Inaasahan ding dadalo sa ”Nationwide Bike for Peace and Justice for the Absalons” ang nasa 200 hanggang 300 partisipante mula sa bawat lalawigan sa buong bansa.

Tiniyak naman ni Ecgo na masusunod ang pinapairal na protocols ng gobyerno laban sa Coronavirus Disease.