-- Advertisements --

Hinimok ng Malacañang ang publiko na igalang ang desisyon ng Korte Suprema sa articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Una nang idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang articles of impeachment na inihain laban sa bise dahil sa paglabag nito sa one-year bar rule.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, sa ngayon ay hindi pa nila na rereview ang buong desisyon ng High Court.

Aniya kinikilala ng Palasyo ang kalayaan ng mga sangay na lehislatibo at hudikatura na humahawak sa proseso ng impeachment.

Kinikilala rin nito ang kanilang kalayaan sa pagsasagawa ng kanilang mga mandato sa konstitusyon.

Kung maaalala, sinabi ni SC spokesperson Atty. Camille Ting na walang hurisdiksyon ang senado para sa pagsasagawa ng impeachment proceedings dahil sa paglabag sa one-year ban rule.

Nilinaw rin ng SC na hindi nito pinapawalang sala si Duterte sa mga reklamong inihain laban sa kanya.