Kinumpirma ng Malacañang na mas maraming tao na ang pinapayagan ng gabinete na makalabas mula sa kanilang mga bahay bilang bahagi ng pagbuhay sa ekonomiya ng bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, inaprubahan sa full-Cabinet meeting kagabi ang rekomendasyon ng Department of Trade and Industry (DTI) para sa expansion ng age group na papayagang makalabas gaya ng mga nasa edad 15 hanggang 65.
Magugunitang dati ay bawal lumabas ng bahay ang mga edad 21 pababa at 60-anyos pataas, kabilang na ang mga buntis, mga may immunodeficiency, comorbidity o iba pang health risks.
Maliban dito, suportado rin ng gabinete na paikiliin o bawasan ang curfew hours at multiple work shifts para dumami ang mga manggagawa at mamimiling mag-aambag sa paglago ng ekonomiya at gradual expansion ng business capacity sa 75 hanggang 100 porsyento.