Marami pang kaso ang aasahan ngayong arestado na ang Kabus Padatoon (KAPA) investment scam founder na si Joel Apolinario.
Ito ang naging pagtitiyak ni Securities and Exchange Commission (SEC) Chairman Emilio Benito Aquino sa panayam ng Bombo Radyo, dahil mabilis nang makakausad ang proseso ng batas para mapanagot si Apolinario sa mga ginawa nitong panloloko.
Nabuhayan na rin ng loob ang iba pang gustong magsampa ng demanda at nais mabawi ang kanilang naging investment.
Sa panig umano ng SEC, tuloy-tuloy sila sa pagpa-followup ng mga nakabinbing reklamo.
Dagdag pa umanong kakaharapin ni Apolinario at ng mga tauhan nito ang pag-iingat at paggamit ng mga armas na hindi pinapayagan ng batas.
Matatandaang naaresto ang KAPA founder sa Lingig, Surigao del Sur, makaraan ang ilang minutong palitan ng putok ng mga tauhan nito at ng tropa ng pamahalaan.
Pinuri naman ni Aquino ang Bombo Radyo sa masigasig na paglalantad ng mga iligal na gawain ng grupong KAPA, kahit noong simula pa lamang at kahit sa gitna ng inaning pananakot at iba pang pressure.
“Mabuti na lang may mga vigilant media, tulad ng Bombo Radyo. Kasi agresibo rin ang KAPA sa paglalabas ng maling mga impormasyon, kaya maraming naloloko,” wika ni SEC Chairman Aquino.