-- Advertisements --
Divisoria

Nagbabala na ngayon ang grupo ng mga eksperto na posibleng pumalo sa 4,000 kada araw ang magpo-positibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ngayong holiday season.

Dahil dito ipinanukala na ng OCTA research team sa pamahalaan na kapag pumalo sa 4,000 ang covid case sa isang araw ay kailangang ibalik sa mas mahigpit na quarantine protocols ang mga lugar na makikitaan ng mataas na kaso ng nakamamatay na virus.

Una rito, sinabi ni Philippine College of Physicians vice president Dr. Maricar Limpin na aminado raw ang mga grupo ng mga doktor kasa ang Department of Health (DoH) at OCTA Research team na pagkatapos ng holiday season ay posibleng pumalo sa mahigit 4,000 ang magiging kaso ng covid araw-araw.

Paliwanag ni Limpin, sa mga nakaraang linggo kasi ay kitang-kita ang pagbuhos ng mga tao sa mga pasyalan, simbahan, maging sa mga malls.

Aniya, hindi raw nasusunod ang mga health protocols sa mga matataong lugar lalo na ang physical distancing.

Para kay Limpin, kahit ibalik sana sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang quarantine protocol para siguruhing hindi na kakalat ang virus.

Kung maalala noong Agosto 4 hanggang 18 nang ibalik sa MECQ ang Metro Manila matapos umangal noon ang mga medical frontliners dahil sa dami ng kanilang mga pasyente araw-araw na tinamanaan ng nakamamatay na sakit.