Asahan na ang mas mabigat na trapiko sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) simula Hunyo 13 habang sisimulan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang malawakang rehabilitasyon sa EDSA.
Ayon sa DPWH, uunahin ang northbound busway lane mula Roxas Boulevard hanggang Shaw Boulevard. Target makumpleto ang buong proyekto sa Disyembre ng taong 2026.
Upang maibsan ang trapiko, inanunsyo ng mga opisyal ng DPWH, Department of Transportation, at Metropolitan Manila Development Authority ang mga hakbang tulad ng libreng toll sa Skyway Stage 3, dagdag na EDSA Busway units, mas madalas na MRT-3 trips, paglilinis ng alternatibong ruta, at ang odd-even coding scheme.
Para sa coding scheme, bawal na sa EDSA ang mga sasakyang may odd-number plates tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes, at even-number plates tuwing Martes, Huwebes, at Sabado.
Ayon sa MMDA, maaaring bumaba ng hanggang 40 porsyento ang dami ng sasakyan sa EDSA kung tuluy-tuloy ang pagpapatupad ng mga nasabing hakbang.
Samantala, pansamantalang ipagbabawal din ang mga provincial bus at truck sa EDSA mula ala-5 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi.
Magkakaroon din ng motorcycle lane at aalisin ang bike lane separators para paluwagin ang daanan. Layunin ng nasabing proyekto na gawing mas ligtas, at makabago ang EDSA para sa milyun-milyong motorista at commuter.