-- Advertisements --

Itinaas ang Marikina River sa unang alarma ngayong Miyerkules, Agosto 19 matapos umakyat sa 15 metro ang lebel ng tubig kaninang ala-una y medya ng hapon, ayon sa Marikina Public Information Office.

Ito ay sa gitna ng patuloy na mga pag-ulang nararanasan dala ng habagat na pinalalakas ng Tropical Depression Neneng.

Sa ilalim ng unang alarma, inaabisuhan ang mga residente na maghanda para sa posibleng paglikas.

Ipatutupad naman ang preemptive evacuation sa oras na umabot na sa 16 na metro ang antas ng tubig sa Marikina River, dahilan para itaas pa ito sa ikalawang alarma.

Kapag umabot naman ang lebel ng tubig sa 18 metro, iaakyat na ito sa ikatlong alarma na sinyales ng mandatoryong paglikas.