Nagsumite si Sen. Rodante Marcoleta ng kaniyang counter-affidavit sa Office of the Ombudsman upang sagutin ang mga akusasyon na nabigo umano siyang ideklara ang humigit-kumulang P75 milyong donasyon sa kampanya sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Nauna naman nang iginiit ng kampo ni Marcoleta na itinuturing ang mga donasyon bilang pribadong regalo at hindi campaign contributions kayat hindi ito subject sa public disclosure.
Ayon sa senador, ang mga ito ay tinanggap nang may magandang layunin at ikinatuwiran na hiniling ng mga donor na manatiling confidential ang kanilang pagkakakilanlan at binayaran din nila ang kaukulang buwis.
Ang counter-affidavit ay tugon sa utos ng Ombudsman matapos irekomenda ng Field Investigation Bureau ang pagsasampa ng kasong plunder at indirect bribery laban kay Marcoleta, dating Quezon City Rep. Mike Defensor, at dalawang iba pa.
Noong May 26, nagpalabas na rin ang Sandiganbayan ng Precautionary Hold Departure Order (PHDO) laban kay Marcoleta at sa mga kapwa akusado nito upang pigilan silang makaalis ng bansa habang isinasagawa ang imbestigasyon.
















