-- Advertisements --

Inihayag ng Office of the Ombudsman na kanilang tututulan ang mosyon inihain ni dating House of Representatives Speaker Martin Romualdez sa Sandiganbayan. 

Sa mensaheng ipinadala ni Assistant Ombudsman Atty. Mico Clavano, kanyang sinabi na mariing kokontrahin ng prosekusyon ang mosyon ng mambabatas. 

Matapos kasi ang pagkakaaresto sa dating House Speaker at maibalik sa korte ang ‘arrest warrant’, agad naghain si Leyte 1st Dist. Rep. Romualdez ng Urgent Motiuon ad Cautelam for Continued Hospital Confinement. 

Layon sa mosyon inihain sa Ikatlong Dibisyon ng Sandiganbayan na mapahaba ang kanyang pananatili o ‘confinement’ sa ospital dahil sa mga iniindang sakit tulad ng Type 2 Diabetes, hypertension, primary hypothyroidism at iba pa. 

Subalit sa kabila nito, ang Ombudsman Prosecutors ay hihilingin sa korte na hindi lamang isang doktor kundi grupo ng mga ‘government doctors’ ang susuri kung dapat pa nga bang manatili ang akusado sa isang pribadong ospital o hindi na. 

Kung sakali raw kasing ‘manageable’ naman na ang mga sakit nito kahit ilabas ng ospital, hihilingin ng Ombudsman na mailipat na ang dating house speaker sa regular na ‘detention facility’. 

Kaugnay pa dito’y nanindigan si Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na matibay ang kasong ‘plunder’ na inihain nila laban sa pinsan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. 

Giit niya’y ito pa lamang ang simula at marami pang aasahan na kasong inihahanda at isasampa ng tanodbayan sa hukuman laban kontra sa dating house speaker. 

Sa kasalukuyan, patuloy pa ring nananatili at naka-confine sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City si dating House Speaker Martin Romualdez. 

Inatasan siya ng Sandiganbayan na humarap sa korte bukas, ika-10 ng Setyembre 2026 para pagdinig ng kanyang mosyon inihain sa hukuman.