Iginiit ng Office of the Ombudsman na kinakailangan pa nilang maghanap ng karagdagang mga ebidensya laban kina former Executive Secretary Lucas Bersamin at iba pang dawit umano sa iregularidad ng 2025 National Budget.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, ang naturang dating opisyal kabilang sina former Usec. Adrian Bersamin ng Presidential Legislative Liaison Office, former Education Usec. Trygve Olaivar ay kabilang sa kaso.
Ito aniya’y patungkol sa ‘grand conspiracy’ para i-defraud o dayain ang pambansang budget ng Pilipinas noong taong 2025.
Kasalukuyan na raw itong nasa ‘fact finding stage’ kung saan binubusising maigi ang mga ebidensya at dokumentong natanggap ng ahensiya.
“They are included in the second case, which the Ombudsman already described as a grand conspiracy to defraud the budget of the 2025 budget. So in that sense, that case is still in fact-finding, and we are sifting through the facts and the documents that were given to us,” ani Assistant Ombudsman Mico Clavano.
Kaugnay ang pahayag sa paratang o pagdawit ni former Department of Public Works and Highways Usec. Roberto Bernardo sa mga nabanggit na opisyal bilang sangkot umano sa iregularidad ng pambansang pondo.
Binigyang diin naman ni Ombudsman Spokesperson Clavano na ang kaso’y hindi katulad kumpara sa ibang inihahain ng tanodbayan.
















