-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Ipinasisiguro ng Kongreso sa pamamagitan ni Deputy Speaker for Mindanao at South Cotabato 2nd District Representative Atty. Ferdinand Hernandez na mas bubuhos pa ang mga proyekto para sa Marawi kasabay ng ika-dalawang taong anibersaryo ng Marawi siege.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Rep. Hernandez, sinabi nitong hindi nagpabaya ang gobyerno sa ilalim ng Duterte administration upang tulungang makabangon at maibalik sa normal ang pamumuhay ng mga taga-Marawi matapos sakupin ng Maute-Islamic State of Iraq and Syria terror group ang nasabing lungsod.

Sa kabila ng madilim na bahagi ng kasaysayan ng Marawi, dapat aniyang mag-move on na sa insidente at isipin ang mas makabubuti para sa mga taga-Marawi upang makamit ang mas maayos at ligtas na pamumuhay.

Hinihimok daw nito ang mga mamayan ng Marawi na magtulong-tulong lalo na sa pagbabantay ng seguridad upang hindi na maulit pa ang malagim na pangyayari.