LAOAG CITY – Iba’t-iba ang reaksyon ng mga taga Ilocos Norte sa naging pahayag ni Sen. Imee Marcos laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gumagamit umano ng iligal na droga.
Ayon kay Mr. Greg Mendez II, isang tricycle driver dito sa lungsod ng Laoag, hindi siya naniniwala na gumagamit ang pangulo dahil alam niyang matinong tao ito.
Sinabi pa nito na “unprofessional” ang paraan ng pagtrato ni Senator Imee sa mismong kapatid.
Iginiit nito na kahit pa mas matanda si Sen. Imee ay dapat manatili ang respeto nito sa kanyang kapatid bilang Pangulo ng Pilipinas.
Inihayag niya na si Sen. Imee na umano ang gumagawa ng paraan para mapahiya ang buong pamilya Marcos dahil na rin sa paninira nito.
Dagdag nito na posibleng may nakikialam para lalo umanong lumala ang galit ni Sen. Imee.
Maalala na kahapon ay sinabi ni Sen. Marcos na gumagamit umano ang pangulo at First Lady Liza Araneta-Marcos ng iligal na droga.
Matapos nito ay binatikos na Ilocos Norte First District Rep. Sandro Marcos ang mga naging pahayag ni Senador Imee laban kay Pangulong Marcos at First Lady na tinawag niyang ”web of lies” at walang basehan.
















