-- Advertisements --

Inihayag ni US President Donald Trump na posibleng marami sa natitirang bihag sa Gaza ang posibleng binawian na ng buhay.

Sa panayam sa US President sa kaniyang Oval Office, sinabi niyang maaaring ilan sa mga bihag ay nasawi kamakailan lang, base sa kaniyang napag-alaman.

Aniya, nasa 38 bihag ang pinangangambahang nasawi na, mga bata pa at magagandang indibidwal.

Sa kabila nito, patuloy aniya ang malalimang pakikipag-negosasyon ng Amerika sa Hamas. Sinabihan din ni Trump ang Hamas na pakawalan na ang lahat ng mga bihag subalit kung hindi aniya papalayain ang mga bihag ay magiging mahirap at hindi kanais-nais ang magiging sitwasyon.

Ginawa ni Trump ang pahayag sa gitna ng planong panibagong opensiba ng Israel sa Gaza City.

Sa ngayon, nananatili pa rin sa Gaza ang 47 bihag mula sa 251 hostages ng Hamas mula nang salakayin ng grupo ang Israel noong October 7, 2023.

Subalit ayon sa Israeli military, 25 na ang nasawi sa mga natitirang bihag at puspusan ang ginagawang pagsisikap para maiuwi ang kanilang mga labi.