Ipinag-utos ng pamahalaang lungsod ng Ormoc ang pagsasara ng Ormoc Maternity and Children’s Hospital matapos umanong lumabag ang pamunuan nito sa ilang probisyon ng memorandum of agreement (MOA) sa lokal na pamahalaan, ayon kay Mayor Lucy Torres Gomez nitong Lunes.
Ayon sa alkalde, nabigong tuparin ng ospital ang pangunahing obligasyon nito sa ilalim ng kasunduan na magsilbi bilang civic at charitable institution na nagbibigay ng serbisyong medikal sa mga mahihirap na ina at bata sa lungsod.
Batay kasi sa MOA, pinayagan ang ospital na umupa ng lupang pagmamay-ari ng lungsod sa halagang P1,000 lamang kada buwan, kapalit ng pagbibigay ng libre o subsidized na serbisyong medikal sa mga indigent na residente ng Ormoc.
Ngunit naging personal business na lamang umano ang nasabing ospital at tila nakalimutan na ang responsibilidad sa komunidad sakabila ng mababang upa ng lupang kinatatayuan ng naturang ospital.
Binanggit din ni Gomez na nabigo ang ospital na magsumite ng mga kinakailangang ulat, kabilang ang detalye kung paano tinutukoy ang mga indigent patient, anong mga serbisyong ibinigay na lampas sa saklaw ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at iba pang tulong ng gobyerno, at iba pang datos kaugnay ng compliance.
Sa kabila ng paulit-ulit na kahilingan ng city government matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa mga pasyente at kanilang pamilya, hindi rin umano tumutugma ang mga isinumiteng dokumento ng naturang ospital.
Lumabas din sa pagsusuri ng lungsod ang mga discrepancy sa kita ng ospital kung saan magkaiba ang idineklarang income at ang iniulat nito sa city government para sa buwis.
Bukod dito, natuklasan din na ipinaupa ng ospital sa third-party nito ang city-owned property sa halagang P10,000 kada buwan nang walang pahintulot ng lokal na pamahalaan, na itinuturing ng lungsod bilang malinaw na paglabag sa kasunduan.
Ang Ormoc Maternity and Children’s Hospital ay iniulat na 97-taon nang nag-ooperate.
Bukas naman ang Bombo Radyo Philippines para sa panig ng pamunuan ng ospital kaugnay ng ipinatupad na closure order.














