-- Advertisements --

Sumampa na sa mahigit 2,000 katao ang bilang ng napaulat na napatay sa mga serye ng kilos-protesta sa Iran, ayon sa isang human rights group.

Base sa ulat mula sa Human Rights Activists News Agency (HRANA), kabuuang 1,850 protesters ang kumpirmadong namatay, 135 security forces at siyam na sibilyan gayundin may siyam na batang nasawi sa nakalipas na 17 araw.

Ayon naman sa Iranian official, napatay umano ang 2,000 katao kung saan ang mga terorista ang sinisising may kagagawan.

Nitong gabi ng Martes, oras sa Amerika, makikipagpulong si US President Donald Trump sa top officials para pag-usapan ang hinggil sa isyu sa Iran at nangakong kakalap ng tamang datos hinggil sa death toll sa Iran. Sa oras na makuha ng US President ang kabuuang bilang ng mga nasawi, saka sila gagawa ng karampatang aksiyon.

Una nang nagbanta si Trump na magbabayad ng malaki ang Iranian authorities para sa mga pagpatay at hinimok ang mga mamamayan na ipagpatuloy ang pagproprotesta.

Nauna na ring kinansela ni Trump ang lahat ng pulong sa mga opisyal ng Iran hanggang tumigil ang walang kabuluhang pagpatay sa mga protester at tiniyak na paparating na ang tulong para sa mamamayan ng Iran na tinawag ng US President bilang “MIGA,” na nangangahulugan na Make Iran Great Again.