Naitala ang mararahas na labanan sa pagitan ng kampo ng nagpo-protesta at security forces sa gitna ng paglawak pa ng kilos-protesta sa Iran.
Ito na ang ika-11 araw ng mga serye ng kilos-protesta sa naturang bansa.
Batay sa ulat ng isang news agency sa Iran na malapit sa Revolutionary Guards, napatay ang dalawang pulis matapos barilin ng mga armadong indibidwal sa may south-western town ng Lordegan.
Sa mga ibinahaging video rin online, makikita ang tensiyonadong labanan sa pagitan ng mga protester at security forces kung saan maririnig ang mga tunog ng putok ng baril.
Sa isang footage naman mula sa iba pang mga lugar sa Iran, may ipinakalat na security forces na nagpaputok ng baril at naghagis ng tear gas laban sa mga nagpoprotesta, kung saan ilan sa kanila ay binabato ang mga pwersa ng gobyerno.
Lumawak pa ang mga demonstrasyon sa 111 cities at towns sa lahat ng 31 probinsiya ng Iran, base sa ulat mula sa isang news agency na nakabase sa US.
Sa kabuuan, napaulat na nasa 34 na protester at apat na security personnel ang napatay sa kasagsagan ng kaguluhan at may 2,200 protesters ang inaresto.
Matatandaan, sumiklab ang mga protesta sa Iran noong Disyembre 28, nang magprotesta ang shopkeepers sa mga kalsada ng kabisera ng Tehran para ipahayag ang kanilang galit sa pagbagsak ng halaga ng Iranian currency na rial laban sa dolyar ng Amerika.
Kalaunan, sumama ang University students sa mga protesta at nagsimulang kumalat sa iba pang mga siyudad ng Iran.










