GENERAL SANTOS CITY – Pangalawang beses nang nagdeklara ng fire out si GenSan Fire Marshal Regirald Legaste hinggil sa pagkasunog ng G Mall sa Lungsod ng Heneral Santos.

Kagabi kasi ay muling sumiklab ang malaking apoy sa nasabing mall, ilang oras matapos ideklara bandang ala-1:00 ng hapon na fire out na ang sunog.

Kaugnay nito, bumalik din ang mahigit 10 firetrucks sa lugar para apulahin ang dalawang sunog sa lugar.

Nagtataka naman si GenSan Mayor Ronnel Rivera kasama si Rep. Bobby Pacquiao sa deklarasyon ng fire official, gayong nasusunog pa pala ang mall.

Una nang inamin ni Legaste na nahirapan sila sa pag-apula sa apoy dahil “highly combustible materials” ang laman ng mall.

Dagdag pa nito na ito na ang pinakamalaking sunog na nangyari sa buong rehiyon kung saan P2 billion ang danyos at umabot sa general alarm na nirespondehan ng 30 firetruck mula sa iba’t-ibang lugar.

Pasado alas-10:00 kagabi idineklara muli na fire out na ang sunog sa G Mall.