Ipinag-utos na ni Philippine National Police chief Gen. Guillermo Eleazar ang malawakang crackdown laban sa tupada o illegal na sabong.
Ayon kay Eleazar, nagbaba na siya ng direktiba sa lahat ng mga police commander na bantayan ang kanilang area of responsibility para sa maigting na kampanya laban sa tupada.
Ito’y matapos ang pagkakaaresto ng 17 indibidwal kasama na ang barangay captain sa Calamba, Laguna dahil sa tupada na lumabag sa minimum public health safety protocols.
Paliwanag ni Eleazar, ang iligal na tupada rin ang mitsa sa nakakalungkot na pangyayari kay Edwin Arnigo na napatay ng pulis sa Valenzuela kaya “nakakalungkot” daw na may nag-o-operate pa rin nito.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na rin si Eleazar kay Interior and Local Government Sec. Eduardo Año para bigyan sila ng clearance na magsampa ng kaso sa mga opisyal ng barangay na may presensya ng tupada.
Samantala, nagbabala naman si PNP chief sa lahat ng mga pulis na huwag masangkot at huwag maging protektor ng tupada o anumang sugal dahil may kalalagyan umano ang mga ito.