-- Advertisements --
Poste ng kuryente

Nagbabala ang National Power Corporation (Napocor) sa posibleng maranasang malawakang brownout sa bansa sa taong 2023.

Ito ay sa oras na tuluyang matapyasan ang kanilang hinihinging corporate operating budget para sa susunod na taon.

Sa ginanap na Senate hearing ay nagbabala ang ahensya sa posibleng shutdown ng nasa 200 power plant sa bansa at power outage sa mahigit isang milyong sambahayan sa katapusan ng Hulyo 2023.

Ito ay matapos na bawasan ng Department of Budget and Management (DBM) ng Php 12.5 billion ang kanilang hinihinging budget na nagkakahalaga sa Php 44.7 billion.

Paliwanag ng Napocor, mula Enero hanggang Hulyo 2023 operations lang daw kasi ang mako-cover ng kanilang budget para sa diesel fuel na posible pa anila mauwi sa “budget shortfall” kapag nagpatuloy pa ang pagtaas ng presyo sa produktong petrolyo.

Bukod dito ay idinagdag din niya na magkakaroon din ng deferment sa scheduled energization ng 44 new unserved areas na makakaapekto naman sa 15 lugar sa Luzon, 14 sa Visayas, at 15 sa Mindanao.

Samantala, sa bukod naman na pahayag ay sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian na sa ngayon ay tinitignan na nila ang ilang mga lugar tulad ng Palawan para sa potential gas reserves upang madagdagan naman ang supply ng enerhiya sa bansa.

Ibinahagi rin niya na kabilang rin sa kanilang tinitignang opsyon sa pagpopondo upang mapanatili ang operasyon ng Napocor ay ang savings, loan, government subsidies, at ang pangongolekta ng mga hindi pa nababayarang utang ng ilang electric cooperative at LGU sa bansa.