Tumangging mag komento ang Malacañang kaugnay ng umano’y conflict of interest ni Senador Rodante Marcoleta sa imbestigasyong isinasagawa ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa maanomalyang flood control project.
Ito’y matapos mapabalita ang umano’y koneksyon ng asawa ng senador sa insurance company ng contractor’s bond ng mag-asawang Discaya na kabilang sa iniimbestigahan sa flood control scandal.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, tanging si Senador Marcoleta lamang ang makasasagot kung may conflict of interest sa pagitan ng kanyang personal na ugnayan at ng isinasagawang imbestigasyon.
Dahil hindi naman anya tukoy ng Malacañang kung gaano kalalim ang umano’y koneksyon ng asawa ni Marcoleta sa insurance company, o kung anong klaseng ugnayan mayroon ang senador sa mga Discaya.
Giit ng Palasyo, dapat hayaan si Sen. Marcoleta na linawin mismo ang isyu at kung may epekto ito sa kanyang pananatili bilang myembro ng komite na siyang nangunguna sa pagtukoy ng mga iregularidad sa mga flood control projects.