-- Advertisements --

Hindi kinumpirma o pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) ang ulat ni Senador Rodante Marcoleta na may natanggap siyang impormasyon tungkol sa umano’y nalalapit na warrant of arrest.

Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Allen Rae Co, hindi kinukumpirma o itinatanggi ng PNP ang pagkakaroon ng warrant laban sa sinumang indibidwal dahil ito ay nasa hurisdiksyon ng korte.

Tiniyak din niya na ipatutupad ng PNP ang anumang legal na warrant na ilalabas ng hukuman sa tamang proseso.

Giit naman ni Interior Secretary Jonvic Remulla, kailangang may naisampang kaso muna bago makapaglabas ng warrant, at wala pa siyang alam na kaso laban sa senador sa Sandiganbayan.

Nauna nang sinabi ni Marcoleta na handa siyang sumama nang mapayapa kung may ilalabas na warrant laban sa kanya kaugnay ng kasong plunder at indirect bribery.

Giit niya, ang mga reklamo ay umano’y pagtatangka na siya ay patahimikin at wala siyang nilabag na batas.