Pinawi ng Malacañang ang mga alalahanin sa posibleng pagsalakay sa Taiwan sa gitna ng mga pagsasanay militar ng China sa paligid ng Taipei.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na “walang dapat ipag-alala” ang taumbayan sa kabila ng panawagan ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. sa mga tropang sundalo na maghanda sakaling magkaroon ng pagsalakay sa Taiwan dahil posibleng maapektuhan ang Pilipinas.
Sinabi ni Castro na tama lamang na bigyan ng paalala ni Brawner ang mga sundalo at maging ang taumbayan.
Dagdag pa ng opisyal na nararapat lang din na maging handa ang pamahalaan sa lahat ng mga contingencies patungkol sa nasabing usapin.
Samantala, ipinauubaya na rin ng Palasyo sa Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang iba ang mga detalye kaugnay sa mga contingencies na ipatutupad lalo na ang posibleng repatriation ng mga Filipino na nasa Taiwan at nakahanda ang pamahalaan i-repatriate pabalik ng bansa ang mga kababayan natin.
Pagtiyak din ni Castro na sakaling mangyari ang pinangangambahang invasion o pananakop, nakahanda ang gobyerno tulungan ang ating mga kababayan sa Taiwan.
Panawagan din ni Castro sa mga kababayan natin lalo na ang mga nasa Taiwan na manatiling mahinahon dahil nakahanda ang gobyerno na tumulong anumang oras sa kanila.